Ang Katotohanan
![](https://static.wixstatic.com/media/e679ee_7ae2804e65d74fb6a62ef83f68de7914~mv2.jpg/v1/fill/w_480,h_480,al_c,q_80,enc_auto/e679ee_7ae2804e65d74fb6a62ef83f68de7914~mv2.jpg)
Ano ba ang tama at mali sa pagpatay? Kapag ba mabuting tao ang may hawak ng baril ay tama ng gamitin ito? Makatarungan bang pumatay ng masamang tao kung mabuting tao naman ang papaslang dito? Kung ang pagbabaril ng pulis kay Kian Delos Santos ay hindi makatarungan, paano kung si Kian naman ang bumaril sa mga pulis? Masasabi na ba ng sambayanan na makatarungan ito?
Ang pagpatay ay ang pagnakaw sa buhay ng isang tao, kahit bali-baliktarin pa ang sitwasyon ay mali ito, kaya’t paano masasabing mabuti ang taong papatay sa isang masamang tao? Hindi ba’t madudumihan din ang pagiging mabuti nito?
Walang mabuting tao o masamang tao kung paghawak sa baril ang paguusapan. Ang baril ang nagsisimbolo ng kapanyarihan para sa isang tao, pero ito rin ay ang nagsisilbing pantakip sa kaduwagan ng isang tao. Ang taong matapang ay pipiliing tumayo sa sarili nilang mga paa at kakayaning tanggapin ang putok ng isang baril habang ang taong duwag ay magtago sa likod ng isang baril at pipiliing iputok ito sa taong kanyang kinatatakutan. Kaya’t kung tatanuning ako kung ano ang pagkakaiba ng isang mabuting taong may baril at ng isang masamang taong may baril, ang sagot ko ay wala. Sapagkat mayroon lamang dalawang uri ng tao, ang taong matapang, na kayang saluhin ang lahat ng ibabato sa kanya, at ang taong duwag na nagtatago sa likod ng kapangyarihan ng isang baril.
Sa umpisa pa lang ay hindi dapat tinutugunan ng isang baril ang isa pang baril. Ang katotohanan ang tunay na kapangyarihan na sadyang pinipili lamang na hindi gamitin ng mga tao. Bakit ba hindi magawang magsabi ang mga tao ng katotohanan ng walang ‘pero’? Oo maling pumatay pero nanlaban siya? Oo, maling magdroga pero walang ibang pagkikitaan ng pera? Kahit ano pang ‘pero’ ang isunod sa pagkakamali hindi magiging tama ang isang kamalian. Ang maling kagagawan ay hindi dapat tinutugunan ng maling paniniwala, kundi ng pawang katotohanan. Ano nga ba ang katotohanan? Mali ang pagpatay. Iyon lamang.