top of page

Maskara


Masiyahin, masigasig, maalalahanin, matapang, palaban. Iyan ang iba’t-ibang salitang kadalasang nagagamit bilang panglarawan sa tuwing nababanggit ang pangalang ‘Vhea’. Isang Vhea na halos nakasalamuha na ng lahat, isang Vhea na kadalasang nagiging dahilan ng kasiyahan ng ibang tao. Isang taong taglay ang halos magagandang katangian na tila walang ikakapintas sa kanya. Iyan ang Vhea na nakikilala ng halos lahat ng tao; ang hindi alam ng karamihan, sa kabila ng positibong pananaw ng ibang tao sa kanya, ang taong iyon ay isa ring simpleng babae na ang nais ay ang tunay na kasiyahan; kasiyahan na hindi maibibigay ng panandaliang pagkakataon; isang kasiyahan na hindi maihahandog ng kahit na anong konkretong kagamitan sa mundo. Sa tuwing siya’y tinatanong ng ibang tao kung ano ang tunay na kaligayahan para sa kanya, simple lamang ang kanyang kasagutan at ito ay ang isang kumpletong pamilya na kailanma’y di niya naranasan. Isang taon pa lamang siya ng namatay ang kanyang ina, at umalis ang kanyang ama. Nakakalungkot, ngunit siya’y maituturing paring mapalad dahil mayroon siyang isang lola na mahal na mahal siya.

Sa araw-araw na pamumuhay ng dilag ay tila araw-araw din siyang naghahanap ng panibagong maskara na kaniyang gagamitin upang maikubli ang kaniyang tunay na nararamdaman.May mga pagkakataong pilit niyang itinatago ang kalungkutan sa harap ng madaming tao, at saka na lamang iiyak kapag nakauwi na sa kanilang tahanan. Minsan na rin siyang tinanong ng kanyang guro kung bakit tila pasan niya ang daigdig dahil sa itsura nito at tila napakalalim ng kanyang iniisip, ngunit ang sagot na lamang niya’y maayos naman ang kanyang nararamdaman. Gayon na lamang ang kadalasang nangyayari sa kaniyang buhay. Isang taong kailanma’y di mo mapapaamin ukol sa tunay niyang nararamdaman. Isang araw, tila hindi na niya kinaya ang kalungkutang kanyang dinadala, kaya agad itong umuwi at dumako sa kaniyang silid. Pagkaupo ng dalaga’y bigla nalang itong humagulgol, ngunit di nagtagal ay huminto ito dahil sa kanyang pagtataka na sa tuwing siya’y nakakaramdam ng lumbay o di kaya’y napapaluha, mayroong isang paru-parong dadapo sa kaniyang balikat. Isang puting paru-paro na sa tuwing dumadapo sa kanya’y nakakaramdam siya ng kakaunting pagbabago sa kanyang nararamdaman na tila nagiging magaan ang kaniyang pakiramdam.

Isang tahimik na gabi, habang siya’y mahimbig na natutulog, siya’y nagkaroon ng isang malalim na panaginip; napanaginipan niya ang kanyang ina na umiiyak kaya’t pinuntahan niya ito at nagkaroon sila ng maikling talastasan. “Ma? Ikaw po ba ‘yan? Bakit ka ho umiiyak?”, sambit ni Vhea sa kanyang ina. “Anak! Oo ako nga ito, ako ang paru-parong nasa tabi mo sa tuwing nakakaramdam ka ng kalungkutan!” ,sagot ng ina. “Ma? Ayos ka lang po ba?”, tanong ni Vhea. “Magsasabi ako ng katotohanan anak, umiiyak ako dahil madalas kitang nakikitang umiiyak, masakit na nakikita kitang umiiyak at nangungulila pero mas masakit para sa akin na halos wala akong magawa upang pasiyahin ka. Anak, lagi mong tatandaan na isa kang prinsesa, alam kong nais mo ay ang isang kumpletong pamilya. Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita at sana matuto ka ng magsabi ng tunay mong nararamdaman lalo na sa lola mo para matulungan ka niya. Walang masama kung tatanggapin mo ang kahinaan mo. Tandaan mo lagi na hindi masamang maging mahina ng panandalian, kaysa sa panghabang-buhay na kalungkutan.”. Matapos niyang mapanaginipan ang ina ay bigla itong nagising at agarang nagdasal at nagpasalamat sa pagkakataong ibinigay sa kanila ng ina upang makapag-usap kahit saglit lamang. Winika rin niya ang kanyang pagpapasalamat sa ina at sinabing “Ma, mahal na mahal kita. Lahat ng pagbabagong magaganap sa buhay ko ay para sa iyo at dahil sa iyo. Sana kahit sa pamamagitan lamang ng isang paru-paro ay makasama kita sa tuwina.”. Matapos ng kanyang pagdarasal ay may dumapo muli na isang paru-paro kaya’t napangiti si Vhea at siya’y napatingin sa langit.

Napagdesisyunan din niya ang paggawa ng isang paalala sa pamamagitan ng isang liham na nakalagay sa isang sobre na kanyang babasahin sa tuwing nakakaisip siya ng bagay na makakapagpalungkot sa kaniya.

Sa babaeng nagbabasa nito,

Ang pagpapanggap na matibay ka ay nakakapagod. Ang pagpapanggap na walang kahit na anong nakakapagpahina sa’yo ay nangangailangan ng malaking pagsisikap. Vhea, kilala kita at ang liham na ito ang magpapaalala sa iyo na ayos lamang maging mahina. Ayos lamang na masaktan. Kung kailangan mong umiyak, umiyak ka. Hindi masama kung ipapakita mong nagagalit ka, nalulumbay ka, masaya ka, o kahit ano pa iyan. Hindi mo kailangang ipakitang hindi ka natitinag at hindi ka natatalo. Hindi mo kailangang magsuot ng maskara para itago kung gaano kabigat ang nararamdaman mo. Hindi mo dapat ikinukubli ang sakit na nararamdaman mo. Huwag mong kalilimutang tao kalang. Huwag kang magsinungaling sa sarili mo na maayos ang lahat lalo na’t kung hindi naman talaga. Ang di pagpansin sa kung ano ang mali ay walang maidadalang pagbabago. Ang pag-iwas sa kung ano ang mali ay kalianma’y di magdadala ng kaayusan. Matuto kang tumanggap. Tanggapin mo ang kahit na anong pagkakamali o pagbabagong kinakaharap mo dahil yoon lamang ang paraan upang malagpasan mo ang mga pagsubok sa iyo. Huwag mong hayaang matalo ka ng pagsubok. Alam kong matapang ka. Madaming nagmamahal sa iyo kaya huwag na huwag mong susukuan ang laban ng buhay. Ngumiti ka habang kaya mo pa.


Featured Review
Tag Cloud

© 2023 by The Book Lover. Proudly created with Wix.com

  • Grey Facebook Icon
  • Grey Twitter Icon
  • Grey Google+ Icon
bottom of page